Pumalag ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa alegasyon na ang Pangalawang Pangulo ang nasa likod ng isinampang impeachment case laban sa Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Georgina Hernandez, tagapagsalita ni Robredo, mismong ang Magdalo Group na ang nasabi na tanging ang kanilang grupo ang nagsulong ng impeachment case at walang kinalaman dito ang sinumang nasa labas ng Magdalo tulad ni Robredo.
Sinabi ni Hernandez na ang paggalang ni Robredo sa proseso ng impeachment ay hindi nangangahulungan na suportado niya ang hakbang ng Magdalo.
Una rito, sinabi ni House Speaker Pantaleon Alvarez na posibleng si Robredo ang nag-udyok sa Magdalo na maghain ng impeachment dahil nagmamadali na anyang palitan sa Malacañang si Pangulong Rodrigo Duterte.
“Ang pananaw ni VP Leni ay hindi siya dapat makisali sa anumang usapin dito sa impeachment at katulad ng proseso sa Kongreso, dapat nating galangin, sinuman ay puwedeng mag-file ng impeachment pero hindi po ito masasabi na sinusuportahan ng ating Pangalawang Pangulo.” Ani Hernandez
Samantala, kinontra ni Hernandez ang mga nasasabing pagtataksil sa bayan ang pagpapadala ni Robredo ng video message sa United Nations Convention hinggil sa mga paglabag sa karapatang pantao sa Pilipinas.
Binigyang diin ni Hernandez na batay sa mga opisyal na datos ng PNP at DILG ang mga sinabi ni Robredo sa video at batay na rin sa pahayag ng mga biktima ng extrajudicial killings.
“Hindi ito ang unang pagkakataon na naisiwalat kung ano ang mga katotohanang nangyayari sa ating bansa, sa totoo lang po marami nang mga international lead agency na nagsabi ng parehong balita, kumbaga factual lang naman po ang mga binanggit na kuwento ni VP Leni sa video sa United Nations, sa totoo lang mula ito sa mga istoryang direkta niyang nakuha mula sa mga pamilya na urban poor na nakaranas ng extrajudicial killing sa kanilang pamilya.” Pahayag ni Hernandez
By Len Aguirre | Ratsada Balita (Interview)