Mayorya ng mga Pilipino ang kuntento sa pagganap sa tungkulin nina Vice President Leni Robredo, Senate President Vicente Sotto III, House Speaker Alan Peter Cayetano at Chief Justice Diosdado Peralta.
Batay ito sa isinagawang survey ng Social Weather Stations (SWS) sa may 1,200 adult respondents sa buong bansa simula December 13 hanggang December 16 noong nakaraang taon.
Lumabas sa SWS survey, 59% ng mga Pilipino ang nasisiyasahan sa performance ni VP Robredo habang 23% naman ang nagsabing hindi sila nasisiyahan.
Dahil dito, nakakuha ang pangalawang pangulo ng +36 o katumbas ng “good” net satisfaction rating nitong Disyembre ng 2019 –tatlong puntos na mas mataas sa nakuha nitong +33 noong Setyembre nang nakaraang taon.
Naitala naman ang +62 o katumbas ng “very good” net satisfaction rating para kay Sotto matapos lumabas sa survey na 73% ng mga Pilipino ang kuntento sa performance ng senate president at 10% ang hindi nasisiyahan.
Nakakuha rin ng “very good” si Cayetano matapos umakyat sa +53 ang kanyang net satisfaction rating nitong huling bahagi ng 2019.
67% ng mga Pilipino ang nagsabing nasisiyahan sila sa pagganap ni Cayetano sa kanyang tungkulin at 15% ang hindi nasisiyahan.
Samantala, +21 o katumbas ng “moderate” ang unang nakuhang net satisfaction rating ni CJ Peralta kung saan 40% ng mga Pilipino ang nagsabing kuntento sila sa performance nito, habang 19% ang hindi.