Kumpiyansa pa rin si Vice President Leni Robredo na matatapos nito ang kaniyang termino sa 2022 kahit pa marami siyang kinahaharap na pagsubok.
Ayon sa bise presidente, batid naman niya ang hirap na kaniyang pagdaraanan lalo’t sa simula pa lamang ay mayroon nang lamat sa pagitan niya gayundin ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero sa kabila nito, hayagang sinabi ni Robredo na binubuksan na niya ngayon ang posibilidad umano ng kaniyang pagtakbo sa pagkapangulo sa 2022 kung ito aniya ang kaniyang kapalaran.
Bagama’t hindi siya nakakukuha ng suporta mula sa pamahalaan, nakatutok naman siya sa tagumpay ng kaniyang mga proyekto tulad na lamang aniya ng paglaban sa kahirapan at iba pang mag-aangat sa buhay ng aniya’y mga “nasa laylayan ng lipunan”.