Binalewala ni Vice President Leni Robredo ang akusasyon ni Davao City Mayor Sarah Duterte na pamumulitika sa 2022 elections ang dahilan nang pagpuna nito sa mataas na kaso ng COVID-19 sa Davao City.
Ito ay matapos ipabatid ni Robredo na dadalhin ng OVP o Office of the Vice President ang COVID vaccine express program sa Visayas at Mindanao bilang tugon sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa rehiyon.
Ang hakbang ni Robredo ay kasunod na rin ng apela ni Congressman Rufus Rodriguez na palawigin ni Robredo ang drive thru vaccination program nito sa Visayas at Mindanao kung saan sumisirit ang kaso ng COVID-19.
Una nang nagpasalamat si Rodriguez sa isang twitter post dahil sa mabilis na pag aksyon ni Robredo.
Nabatid na sa unang araw ng vaccine express initiative ni Robredo ay mahigit dalawang libong tricycle, pedicab drivers at delivery riders ang nabigyan ng bakuna bukod pa sa 500 pesos na fuel incentive at nakatakdang isunod ang mga vendor.
Magugunitang nagparinigan sina Robredo at Mayor Duterte nang umalma ang presidential daughter sa payo ng pangalawang pangulo na pag aralan ng Davao City ang COVID-19 approach ng Cebu City.