Mas makabubuting makinig at tumalima na lamang ang mga kaalyado ni Pangulong Rodrigo Duterte sa panawagan nitong i-atras na ang planong paghahain ng impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Ito ang inihayag ni Liberal Party Senator Bam Aquino sa gitna ng pagpipilit ni House Speaker Pantaleon Alvarez na ituloy ang paghahain ng impeachment.
Ayon kay Aquino, handa naman si Robredo na harapin ang posibleng impeachment complaint na isasampa laban sa kanya.
Malinaw anya na mismong si Duterte ang naniniwala na walang kinalaman ang Bise Presidente sa inihaing impeachment laban naman sa kanya.
Dagdag pa ng Senador, wala rin namang kinalaman ang punong ehekutibo sa planong pagpapa-impeach kay Robredo at maaaring mayroon lamang nagnanais pagsabungin ang dalawa.
Ibinabala naman ng mambabatas na mas magiging magulo kung magbabangayan ang dalawang pinaka-mataas na leader ng bansa.
By: Drew Nacino / Cely Bueno