Hindi sang-ayon si Vice President Leni Robredo sa mungkahing ibasura ang pagsasagawa ng licensure exams para sa ilang propesyon.
Ayon kay Robredo, dapat i-overhaul ang buong education system ng bansa kung tatanggalin ang licensure exams.
Aniya, may layunin ang naturang mga pagsusulit kung saan sinusubukan kung nakapasa ang isang indibidwal sa standards ng kanyang propesyon.
Matatandaang iminungkahi ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang ideya na alisin na ang licensure exams dahil nagiging dagdag gastos lamang umano ang mga ito.
Ngunit nilinaw naman ng kalihim na nais lamang niyang silipin ng Philippine Nurses Association at Professional Regulation Commission ang licensure exams at hindi tanggalin ito. —sa panulat ni Hya Ludivico