Makabubuting tanggapin ni Vice President Leni Robredo ang pagtatalaga sa kaniya ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang co-chairperson ng Inter Agency Committee Against Illegal Drugs.
Ito, ayon kay Senate President Vicente ‘Tito’ Sotto III ay para makita ni Robredo kung gaano katindi ang problema sa illegal drugs kaya’t mahirap itong sugpuin.
Sa halip na bumatikos at ipatigil ang giyera kontra iligal na droga ng Duterte administration, sinabi ni Sotto na makakabuting makatulong at makapagbigay ng alternatibo ang kampo nina Robredo kung paano lulutasin ang problema sa illegal drugs.
Pinayuhan din ni Senador Sherwin Gatchalian si Robredo na tanggapin ang hamon na maging drug czar dahil pagkakataon ito para sa kaniya na gamitin ang kanilang alternative strategies para sugpuin ang illegal drugs.
Ayon naman kay Senador Bong Go, dapat tanggapin ni Robredo ang posisyon para maisulong nito ang alam na paraan upang magtagumpay ang war on drugs ng gobyerno. — ulat mula kay Cely Ortega- Bueno (Patrol 19).