Ipinagpaliban muna ni Bise Presidente Leni Robredo ang pagpapalabas niya ng ulat hinggil sa kanyang mga umano’y natuklasan sa kanyang sandaling panunungkulan bilang co-chair ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ito’y kasunod ng pagyanig ng magnitude 6.9 na lindol sa Davao Del Sur, kahapon, ika-15 ng Disyembre.
Ayon kay Robredo, mali sa tiyempo kung ngayon ito pag-uusapan at sa halip ay pagtuunan na muna ng pansin kung paano makatutulong sa mga biktima ng naturang pagyanig sa rehiyon ng Davao.
Pasensiya na kayo, ipagpaliban muna natin. Mali sa timing, meron pang panahon para pag-usapan ito. Ito namang report na ito, puwede nating gawin anytime kung wala nang ganitong pinagkakaabalahan tayong lahat,” ani Robredo.
Marami aniya ang mga biktima ng lindol na nangangailangan ngayon ng mga tents, inuming tubig at generators.
Nagdeploy na aniya ang kanyang tanggapan ng kanyang team upang magpaabot ng ayuda sa mga biktima ng lindol, kung saan nasa walo aniya ang nasawi at anim ang na-trap sa isang gumuhong shopping center sa Padada, Davao Del Sur —batay aniya sa naging pag-uusap nila ni Davao Del Sur Representative Didi Cagas.
Gusto ko lang kunin iyong pagkakataon ngayong umaga na humingi ng tulong. Panahon ito na magkaisa tayo. Sunod-sunod na iyong aftershocks at iyong mga tao traumatized,” ani Robredo.