Nag-alok ng libreng shuttle service ang tanggapan ng Pangalawang Pangulo para sa mga manggagawa sa sektor ng pangkalusugan sa buong Metro Manila.
Ito ay sa gitna ng ipinatutupad na enhanced community quarantine sa buong luzon bilang bahagi ng hakbang para mapigilan ang pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa buong bansa.
Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Vice President Leni Robredo na magsisimulang mag-pick up ng mga health workers ang libreng shuttle service ngayong araw Marso 18 tuwing 6:00 a.m. hanggang 11:00 a.m. ng umaga.
Ayon kay Robredo, meron itong anim na ruta kabilang ang Alabang-Magallanes patungong tayuman sa Maynila; EDSA Roxas Blvd. Patungong Quezon Avenue; SM Mall of Asia hanggang Sta. Lucia East Cainta; EDSA extension/ Macapagal Avenue hanggang Monumento LRT; SM Fairview patungong Lawton; at Balintawak LRT hanggang Heritage Hotel EDSA extension.
Aniya, kinakailangan lamang magpakita ng valid id makasakay habang ipatutupad ang ilang precautionary measures tulad ng temperature check, disinfection ng kamay, paglista sa logbook at social distancing.