Tutukan muna ang pagtugon sa COVID-19 pandemic bago ituon ang pansin sa nalalapit na halalang pampanguluhan sa susunod na taon.
Iyan ang pasaring ni Vice President Leni Robredo makaraang maghayag ng pagkadismaya sa ilang malalaking pangalan sa pulitika dahil sa maagang pangangampaniya ng mga ito.
Bagama’t hindi pinangalanan, sinabi ni Robredo na sa kabila ng maraming Pilipinong nahahahawaan ng COVID-19 at napagkakaitan ng pagkakataon sa mga bakuna, mas iniintindi pa ng ilan ang pag-iingay para sa halalan.
Una rito, mainit ang iringan sa ruling party ng administrasyon na PDP-LABAN, partikular na sa pagitan mismo nila Pangulong Rodrigo Duterte, Sen. Manny Pacquiao at Energy Sec. Alfonso Cusi.
Gayundin ang pinaiinit na pagtakbo umano ni Davao City Mayor Sara Duterte – Carpio na mula sa Hugpong ng Pagbabago.