Nakahanda si Anti-drugs Czar Vice President Leni Robredo na makipagpulong din sa mga kinatawan ng China bilang bagong co chairman ng Inter Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, tinapaos lamang ng pangalawang pangulo ang mga nakalatag niyang pulong sa iba’t ibang clusters ng ICAD para makumpleto ang mga kinakailangang impormasyon sa war on drugs.
Oras na matapos na aniya ito posibleng simulan na nito ang pakikipagpulong sa iba’t ibang bansa tulad ng China at mga international organizations tulad ng European Union.
Paliwanag ni Gutierrez, nauna lamang ang pakikipagpulong ni Robredo sa kinatawan ng Estados Unidos at United Nations dahil ang mga ito na ang naunang humiling ng pulong.
“Kumbaga sila po yung nag request na umupo at makausap siya pero kung halimbawa po, magkakaroon po ng request for other foreign or international organizations, maging Tsina po yan, o EU o kung sino pa pong makakapartner natin, of course uupo po at makikipag usap si VP Leni dahil naiintindihan po niya at malinaw na malinaw sa kanya na kung talagang tututukan natin itong constriction ng suplay at yun po yung kanyang paulit ulit na nabanggit, dapat bukod sa local and level distribution, nakatutok tayo doon sa pagpasok mismo,” ani Atty. Gutierrez.
Samantala, idinepensa naman ni Gutierrez ang ginagawang pakikipag-usap ng pangalawang pangulo sa mga dayuhang organisasyon.
Paglilinaw ni Gutierrez, matagal nang nakikipag-ugnayan ang Pilipinas sa iba’t ibang bansa sa usapin ng iligal na droga kung saan nakakakuha ng intelligence report ang bansa.
“Matagal na po yung ugnayan natin sa mga ahensya ng U.S at iba pa pong international at foreign agencies dahil alalahanin po natin, ito pong suplay ng drugs, karamihan naman po talaga dito ay galing sa labas e. Kung hindi po tayo makikipagtulungan, hindi po tayo makakakuha ng intelligence information bukod po sa mga shipment at mga kilos ng mga nag e export ng drugs papuntang Pilipinas, ay talagang marami po doon sa mga nagawa nating buy bust operation o raid, ay hindi po sana nangyari. Talaga pong international problem,” ani Atty. Gutierrez. — Sa panayam ng Sapol ni Jarius Bondoc.