Nakapagbayad na ngayong araw si Vice President Leni Robredo ng walong (8) milyong piso sa Korte Suprema para sa kanyang counter protest sa natalong si dating Senador Bongbong Marcos.
Sinamahan si Robredo ng kanyang mga supporter sa pangunguna ng ‘The Silent Majority’ at ng abogado nitong si Atty. Romulo Macalintal sa opisina ng Presidential Electoral Tribunal o PET.
Sa ipinalabas na press statement ng Office of the Vice President, tinukoy na ang perang ibinayad ni Robredo ay galing sa personal na pondo ng Pangalawang Pangulo at ang natitirang pera ay inutang mula sa mga kamag-anak ng yumao nitong asawang si dating DILG Secretary Jesse Robredo na sina Vicente Hao Chin, Pablito Chua at Rafael Bundoc.
Idinagdag din na wala mang ganoong kalaking pera ang Bise kagaya ng mga Marcos ay handa siyang magkabaun-baon sa utang mapigil lamang aniya ang pagtatangkang pagnakaw sa puwesto na ibinigay sa kanya ng taumbayan.
Binigyang diin din ng kampo ni Robredo na sa maikling panahon nito sa pulitika ay nananatiling malinis ang pangalan ni VP Leni sa anumang katiwalian, korapsyon at pagnanakaw kasabay ng tanong sa huli na: “Masasabi rin ba ito ng aming mga katunggali?”
By Aiza Rendon
Photo: OVP