Nanawagan si Vice President Leni Robredo para sa sama-samang pagkilos upang makamit ang isang makatao at pantay-pantay na lipunan.
Inihayag ito ng pangalawang pangulo kasabay na rin ng pagdiriwang ng pride month na nagsusulong sa pantay na pagtrato ng may pagmamahal at respeto sa mga miyembro ng LGBTQIA+ community.
Ayon kay Robredo, nakikiisa siya sa kinahaharap na hamon ng LGBTQIA+ sa lipunan kabilang na ang kawalan ng pagkakataong makapagtrabaho at pagkakamit ng mga serbisyong medikal, karahasan at diskriminasyon.
Lahat naman aniya ay may iisang layunin na magkaroon ng lipunang masisilungan, nagtutulungan, naaaruga at binibigyang dignidad anuman ang kasarian o katayuan sa buhay.