Nilinaw ni Vice President Leni Robredo na hindi siya kabilang sa multi-sector coalition na tinawag na Tindig Pilipinas na nananawagan kay Pangulong Rodrigo Duterte na lumagda sa bank secrecy waivers o magbitiw sa pwesto.
Ayon kay Robredo na chairperson ng Liberal Party, bagaman nakita siya sa mga aktibidad ng naturang kowalisyon noong September 21, hindi ito nangangahulugan na bahagi na siya ng Tindig Pilipinas.
Anya, inimbita lamang siya ng grupo sa misa para sa paggunita sa ika-45 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law.
Aminado si Robredo na hindi na mawawala ang mga suspetsa sa mga pulitikong iniimbita sa mga pulong ng mga ganitong uri ng grupo.
Kabilang sa mga dumalo sa launching ng Tindig Pilipinas noong isang linggo si Senador Antonio Trillanes, isa sa pinaka-matinding kritiko ni Pangulong Duterte.