Pinasusuko ni Vice President Leni Robredo ang mga pulitikong sangkot sa operasyon ng iligal na droga.
Sinabi ni Robredo na dapat na magsilbing babala sa iba pang narco politicians ang pagkamatay ng umano’y drug lord na si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog, Sr.
Umaapela rin si Robredo sa mga ordinaryong taong nasa kalakalan pa rin ng bawal na gamot at iba pang iligal na gawain na huwag nang hintaying abutan pa ng kamay ng batas.
PNP – CITF iniimbestigahan na ang mahigit 1,000 pulis na umano’y sangkot sa iligal na droga
Mahigit 1,000 pulis ang iniimbestigahan ng Philippine National Police – Counter Intelligence Task Force (PNP-CITF) dahil sa umano’y sangkot sa iligal na droga.
Ayon kay Senior Superintendent Chiquito Malayo, PNP-CITF Commander, nakaaresto na sila ng 41 pulis at 15 sibilyan na karamihan ay may kasong extortion, sa nakalipas na anim na buwan simula nang itatag ang nasabing task force.
Sinabi ng PNP-CITF na halos isanlibo at dalawandaang (1,200) police related concerns ang pumasok sa 7,000 complaints sa hotlines ng gobyerno.
Ipinabatid ni Malayo na natuloy nila ang mahigit 200 opisyal at halos 1,000 non-officers na sangkot sa iba’t ibang iregularidad.
Iniimbestigahan aniya nila ang halos 400 pulis mula sa Metro Manila, mahigit 100 mula sa CALABARZON at 14 mula sa Central Luzon.
PNP vs iligal na sugal
Humihingi ang PNP sa Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ng listahan ng kanilang mga tauhan sa STL o Small Town Lottery.
Ito ayon kay PNP Spokesman Chief Superintendent Dionardo Carlos ay para malaman kung sino ba talaga ang mga tauhan ng PCSO at hindi, sa kanilang gagawing operasyon kaugnay sa pinaigting na kampanya kontra iligal na sugal.
Sinabi ni Carlos na sa tuwing may maaaresto ang mga pulis na kubrador lagi na lamang aniyang ina-arbor ng STL operator.
Tiniyak ni Carlos na hindi na sila papayag sa arbor system at ili-lista na lamang kung sino ang mga tauhan ng STL at hindi.
Tiwala si Carlos na kakayanin ng mga pulis ang 15 araw na ultimatum na ibinigay ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa para tuluyan nang sugpuin ang illegal gambling sa bansa.