Tinawag na iresponsable ni House Speaker Pantaleon Alvarez hinggil pa rin sa video ng Bise Presidente na kumukundena sa mga hakbang ng pamahalaan kontra iligal na droga.
Sa panayam ng DWIZ, sinabi Alvarez na ito ang unang pagkakataon na may opisyal ng pamahalaan ang walang pakundangan na siniraan aniya ang ating bansa sa international community.
Iginiit ni Alvarez na malaki ang implikasyon ng ginawang paninira ni Robredo sa sarili nitong bansa.
“Ang laki po ng epekto nun sa turismo, sa ekonomiya ng bansa dahil ang sama po ng pagkapinta nung Pilipinas, it is as if it is true.” Ani Alvarez
Impeachment complaint
Kasabay nito, nilinaw ni Alvarez na hindi magmumula sa kanya ang posibleng ihahaing impeachment complaint laban kay Vice President Leni Robredo.
Sinabi ni Alvarez na sa kanya lamang nanggaling ang ideya matapos mapanood ang video ni Robredo na ipinadala sa United Nations (UN) na tumutuligsa sa kampanya ng gobyernong Duterte kontra iligal na droga.
“Sa akin naman hindi ko gagawin yun, marami diyan, maraming ibang grupo diyan, andami ko nang naririnig na gusto din nilang mag-file ng impeachment.” Dagdag ni Alvarez
Sa ngayon aniya ay mahigpit pang pinag-aaralan ng kanilang mga abogado ang posibleng reklamong ihahain laban kay Robredo.
“Although may nakikita akong grounds for impeachment but I have asked my legal team to do the research dahil ayoko namang magmukhang g*go na ifa-file ko yung isang impeachment complaint at kulang naman sa substance, I have to make sure that it can stand sa trial in an impeachment court.” Pahayag ni Alvarez
By Ralph Obina | Ratsada Balita (Interview)