Tinawag na katawa-tawa, hindi angkop at hindi napapanahon ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang kahilingan ni Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) Commissioner Manuelito Luna na maimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang pangalawang pangulo.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tigapagsalita ni VP Robredo, hindi kailanman isang kumpetisyon ang pagbibigya ng tulong sa gitna ng krisis.
Iginiit ni Gutierrez, simula pa lamang ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis, ginawa na ng pangalawang pangulo ang lahat ng kaniyang makakaya para matulungan ang lahat ng mga apektadong health workers, government institutions at ordinaryong mamamayan.
Ginawa aniya ito ni Robredo nang hindi humihingi ng karagdagang pondo mula sa pamahalaan o maging ng dagdag na kapangyarihan dahil ito aniya ang nararapat at makatuwirang gawin sa kasalukuyan.
Samantala sa kanyang Twitter account, nagpost si Robredo ng kanyang hair flipping GIF bilang tugon sa pahayag ni Luna.
Tinukoy din ni Robredo ang mga ibinabato sa kanya magmula nang maupo bilang pangalawang pangulo tulad ng electoral protest, impeachment complaint, kasong sedisyon, indirect contempt at pinakabago ay NBI investigation.