Sinibak na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Vice President Sara Duterte at mga dating pangulo bilang mga kasapi ng National Security Council.
Alinsunod sa Executive Order No. 81, magsisilbing chairperson ng NSC ang presidente habang magiging miyembro nito ang Senate President, House Speaker at iba pang mga opisyal ng gobyerno.
Batay sa nasabing kautusan, maaari ring magtalaga ang pangulo ng iba pang mga opisyal ng gobyerno bilang kasapi ng NSC, maging ang mga private citizen.
Kasama naman sa Executive Committee ng NSC ang Pangulo bilang Chairperson, habang miyembro rin ang Executive Secretary, Senate President o kinatawan nito, House Speaker o kinatawan nito, at iba pang mga government officials.
Kaugnay nito, inatasan ng Pangulo ang Director-General ng National Intelligence Coordinating Agency, Chief of Staff ng Armed Forces of the Philippines, at mga hepe ng Philippine National Police, at National Bureau of Investigation na dumalo sa mga pagpupulong ng council at umasiste sa mga deliberasyon.
Maaari ring imbitahan ang gobernador ng Bangko Sentral ng Pilipinas upang sumali sa mga pagpupulong ng konseho. - sa panulat ni John Riz Calata