Nilinaw ng isa sa tatayong prosecutor ng impeachement trial na hindi obligadong umuwi sa Pilipinas si Vice President Sara Duterte mula sa The Hague, Netherlands upang sagutin ang kinakaharap nitong pitong articles of impeachment.
Kasunod ito ng hirit ng prosecution team ng Kamara kay Senate President Francis Chiz Escudero na maglabas ng writ of summons para sumagot ang Bise Presidente sa loob ng 10 araw.
Ayon kay Iloilo Third District Representative Lorenz Defensor, may malaking obligasyon ang pangalawang pangulo sa Pilipinas sa kabila ng pag-aruga nito sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Hinamon ng mambabatas si VP Sara na huwag gamiting dahilan ang kanyang ama upang makaiwas sa impeachment trial na ikinasa laban sa kanya, na may kinalaman sa paglulustay ng 612.5 million pesos confidential funds ng Office of the Vice President at Department of Education, na dati niyang pinamunuan.
Inireklamo rin ng mga kongresista ang sinasabing pagbabanta ni VP Sara laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Junior, First Lady Liza Araneta-Marcos, at House Speaker Martin Romualdez sa kasagsagan ng imbestigasyon sa confidential funds ng dalawang ahensiya.