Pagkakataon na ni Vice President Sara Duterte upang linisin ang kanyang pangalan sa pamamagitan ng mga reklamong inihain ng National Bureau of Investigation laban sa kanya.
Ito ayon kay Justice Spokesman Mico Clavano ay matapos tanungin kung inaasahan ba ng Department of Justice na sisipot ni VP Duterte sakaling matuloy ang reklamo sa preliminary investigation.
Sinabi ni Spokesman Clavano, karapatan ng bise presidente na magsumite ng counter-affidavit bilang depensa nito laban sa mga reklamo.
Oportunidad na rin aniya ito ng pangalawang pangulo upang linisin ang pangalan nito.
Nabatid na nagsampa ng reklamo ang NBI laban kay VP Duterte matapos ang sinasabing pagbabanta nito sa buhay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta, at House Speaker Martin Romualdez.