Nagpahayag ng pasasalamat si Vice President Sara Duterte kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa patuloy nitong tiwala sa gitna ng tensyon sa pagitan ng pangulo at ama niyang si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang kamakailan lang, nanawagan si Davao City Mayor Sebastian Duterte kay Pangulong Marcos na mag-resign; samantalang inakusahan naman siya ni dating Pangulong Duterte na nasa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Kinontra ang alegasyong ito ni Sen. Ronald dela Rosa na nagsabing wala sa anumang narco-list ang pangalan ni Pangulong Marcos noong panahon niya bilang Philippine National Police (PNP) chief. Tugma ang pahayag na ito sa naunang ulat ng PDEA na nagsabing hindi kailanman napabilang si Pangulong Marcos sa illegal drug database ng ahensya.
Sa isang mensahe nitong January 31, 2024, tiniyak ni Vice Pres. Sara na may respeto man siya sa opinyon ng kanyang ama at kapatid, hindi kinakailangang sumang-ayon siya sa kanilang mga pananaw.
Nagpasalamat naman ang vice president sa paggalang ni Pangulong Marcos sa paninindigan niya, kagaya na lang sa pagtutol nito sa People’s Initiative signature drive.
Aniya, isang mahalagang katangiang ipinakita ni Pangulong Marcos ang pagbibigay ng respeto. Kaya panawagan ni Vice Pres. Sara, dapat lang na igalang at respetuhin din ang paniniwala ng iba, kabilang na ang sa pamilya niya. Sa kabila nito, tiniyak niyang nasa bansa ang katapatan niya.
Kaugnay nito, ibinahagi ni Sen. Imee Marcos na humingi na ng tawad si Mayor Baste sa naging apela nito sa Pangulo. Naging emosyonal lang umano ang Davao City mayor dahil sa takot na makulong ang pamilya.
Sa kabila ng mga kritisismong ibinato sa kanya, nanindigan si Pangulong Marcos na nananatiling solid pa rin ang UniTeam, ang electoral alliance nila ni Vice Pres. Sara. Para sa ikabubuti ng Pilipinas, siniguro ni Pangulong Marcos na ipagpapatuloy nila ang pagtratrabaho at pagtutulungan.