Tiniyak ni Labor Secretary Silvestre Bello III na lalabas na ang wage order para sa mga manggagawa ng Metro Manila bago matapos ang Oktubre.
Ayon kay Bello, naka-isang taon na noong October 5 ang pinakahuling wage adjustment noong isang taon kaya’t puwede nang magpanukala ang wage board ng panibagong wage adjustment.
Gayunman, sinabi ni Bello na wala pang napagkakasunduan kung magkano ang umentong ibibigay ng wage board para sa mga taga-Metro Manila.
Ang sigurado lamang aniya ay hindi ito bababa sa bente pesos (P20).
“Before the end of October magkakaroon tayo ng wage adjustment dito sa NCR ngayon hindi natin alam kung magkano ang ipo-propose nila. Magkakaroon ng wage adjustment ng hindi bababa sa P20, hindi ko sinabing P20.” Ani Bello
Samantala, nilinaw ni Bello na walang nakatakdang diyalogo ang Pangulong Rodrigo Duterte sa labor groups ngayong araw na ito, tulad ng pahayag ng ALU-TUCP.
Ayon kay Bello, imbitado lamang ang labor groups at iba pang sektor para saksihan ang pagsasabatas sa Occupational Safety and Health Bill.
“Hindi po dialogue, pero of course the President will come up with a statement probably to address their concerns, pero hindi sila tinawagan for a dialogue, they were invited to witness a ceremonial signing of a landmark bill.” Pahayag ni Bello
(Ratsada Balita Interview)