ISUSULONG ng BBM-Sara UniTeam ang kampanya laban sa malnutrisyon sa bansa na dulot ng kahirapan at pinalalala pa ng epekto ng pandemya sakaling mapagtagumpayan ng kanilang tambalan ang halalan sa susunod na taon.
Ayon sa UniTeam, napabilang ang Pilipinas sa mundo pagdating sa malnutrisyon dahil sa matinding kahirapan na itinuturing na isa sa pinaka-kritikal na alalahanin ng ating bansa.
“Talaga namang malaking hamon ang malnutrisyon sa lahat ng dumaang administrasyon. Hindi tayo nawawala sa pandaigdigang listahan kapag pinag-uusapan ang ganitong problema. Kaya naman dapat talagang paigtingin ng ating gobyerno ang kampanya laban dito pero s’yempre dapat solusyunan din natin ang lumalalang problema ng kahirapan sa ating bansa na nagiging puno’t dulo ng kagutuman,” ayon sa kanilang press statement.
Ang malnutrisyon ay matagal nang seryosong problema na sa Pilipinas at katunayan, ika-lima ang bansa sa East Asia at Pacific area na may pinaka-maraming bilang ng mga batang kulang sa nutrisyon at kabilang din ito sa nangungunang sampung bansa sa buong mundo sa bilang ng mga batang nababansot.
Pahayag ng BBM-Sara UniTeam, ang COVID-19 pandemic ay nagpalala pa sa ating problema sa kagutuman dahil maraming tao ang nawalan ng trabaho at negosyo na nagresulta sa matinding gutom at paghihirap.
Samantala, inihayag naman ng BBM-Sara UniTeam na humanga sila sa pagsisikap ng gobyerno, partikular na sa programa ng Department of Education (Dep-Ed), para maibsan ang sitwasyon ng gutom sa mga pampublikong paaralan.
Inalala naman ni presidential candidate at dating Sen. Bongbong Marcos kung paano hinarap ng kanyang ama na si dating Pangulong Ferdinand Marcos, Sr., ang problema ng malnutrisyon katuwang ang USAID sa programa nitong ‘Food for Peace Program’ na nagbibigay ng nutribun, bulgur, at klim milk sa bawat komunidad at paaralan para labanan ang kakulangan ng nutrisyon ng mga kabataan.