Wala muna ang nakagawiang “pahalik” na bahagi ng pagdiriwang ng Pista ng Itim na Nazareno tuwing ika-9 ng Enero.
Ito, ayon kay Fr. Douglas Badong, Quiapo Church parochial vicar, ay upang maiwasan ang pagkalat pa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Fr. Badong, papalitan muna ito ng “pagpupugay” at “pagtanaw” sa imahe ng Poong Itim na Nazareno.
Idinungaw sa simbahan ng Quiapo ang imahe ng Nazareno na siya ring ginagamit sa prusisyon upang masilayan ng mga deboto.
Hindi rin aniya maaaring ipunas ng mga deboto ang kanilang mga panyo sa imahe kaya’t maaari na lamang iwagayway ang panyo ng mga ito bilang tanda naman ng pagpupugay sa Nazareno.
Nakiusap rin si Fr. Badong sa mga mananampalataya ng Nazareno na huwag nang magdala ng malalaking replica dahil hindi rin papayagang makapasok ang mga ito sa mga entry points.
Samantala, ito naman ang kauna-unahang pagkakataon na kinansela ang taunang Traslacion mula nang magsimula ito noong taong 1787, dahil sa banta ng COVID-19 pandemic.