LIMANG araw na lamang bago ang eleksyon sa Mayo 9, naniniwala ang Pulse Asia, ang isa sa pinaka-pinagkakatiwalaang survey company sa bansa, na nakapag-desisyon na ang karamihan sa 65 milyong botante sa bansa at hindi na ito mababago hanggang sa dumating ang halalan.
At base sa pinakahuling pre-election survey, lumalabas na halos sigurado na rin ang panalo ni presidential frontrunner dating Sen. Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. matapos nitong mapanatili ang malaking kalamangan sa mga katunggali at muling umiskor ng 56 porsyentong voter preference.
Sa panayam sa DZRH, iginiit ni Ana Maria Tabunda, Research Director ng Pulse Asia, na halos sigurado na, na ang resulta ng survey ay siya na ring magiging resulta ng eleksyon sa Mayo 9.
“Magbago man kaunti lang hindi na magkakaroon ng upset. Mahihirapan na talaga yung ibang contender na makahabol,” ibinunyag ni Tabunda.
Nang tanungin ito kung nakapag-desisyon na ba ang mga botante, sinagot niya ito na “parang ganun nga nga po.”
Naitala ni Marcos ang kanyang 56 porsyentong voter preference sa Pulse Asia na isinagawa nitong April 16-21 sa 2, 400 respondents.
Nitong Marso, nakapagtala rin si Marcos ng katulad na 56 porsyentong voter preference sa Pulse Asia at napanatili nito ang malaking kalamangan na 33 porsyento sa kanyang pinakamalapit na katunggali na si Leni Robredo na umiskor lamang ng 23 porsyento.
Bumaba pa ito ng isang porsyento kumpara sa kanyang 24 porsyentong voter preference nitong Marso.
Nasa malayong ikatlong pwesto si Manny Pacquiao na nakakuha ng pitong porsyentong voter preference, habang si Moreno naman ay sumadsad sa ika-apat na puwesto na mayroong apat na porsyento at si Ping Lacson naman ay nanatili sa ika-limang pwesto na may dalawang porsyento.
Idinagdag pa ni Tabunda na sa 56 porsyentong nakuha ni Marcos, karamihan dito ay nagsabi na hindi na sila magpapalit ng kanilang desisyon hanggang dumating ang halalan sa Lunes.
“80 percent ang nagsasabi na hindi na magpapalit ang boto nila para kay BBM. Sa tingin ko hindi (na lilipat), that’s why yun pa rin ang number niya,” paliwanag ni Tabunda patungkol sa halos hindi panggalaw ng mga numero ng mga kandidato sa karera sa pagka-pangulo.
Kamakailan din ay binunyag ni Tabunda na kung iko-convert ang 56 porsyento ni Marcos sa boto ay aabot ito sa 36.5 milyon, mula sa 65 milyong registered voters sa bansa.
“Well, ngayon lang kami nakakita ng ganyan kalaking lamang sa buong experience namin. Kauna-unahang pagkakataon ito na mayroong nag-majority voter preference na presidential candidate,” ani Tabunda sa nakaraang panayam sa kanya.
Iginiit din niya na ang malaking numero ni Marcos sa survey ay maitatala sa kasaysayan dahil ngayon lamang sila nakakita ng ganitong kalaking numero na napanatili sa 50-plus percentage voter preference sa isang presidential elections.
“Marcos was leading by 33 percent margin points and if it is converted into votes, it could be around 19.5 million, which was even higher than the more than 16 million votes Pres. Rodrigo Duterte obtained in the 2016 presidential polls” saad ni Tabunda.