Itinanggi ng Department of Information Communication and Technology o DICT na mayroon nang napiling bagong telecom company na papasok sa Pilipinas.
Ayon kay DICT Officer in Charge Usec. Eliseo Rio, posibleng ang tinutukoy ni Presidential Spokesman Harry Roque ay kumpirmasyon ng isang dayuhang telco na lalahok sila sa selection process.
Ipinaliwanag ni Rio na bagamat marami na ang napabalitang bansa na gustong pumasok sa industriya ng telco sa bansa, wala pang pormal na pasabi o kumpirmasyon ang mga ito na lalahok sila sa selection process.
“Nag-confirm na po hindi pa lang sinasabi kung sino, puwedeng China telecom po ‘yun at naghahanap na ngayon ng foreign partner nila, yan din ang ginagawa ng iba kaya hindi nila kino-confirm, alam niyo naman po dito may pagka-sikreto dahil ayaw din nilang ilabas ang kanilang mga intensyon kasi contest po ito eh.” Ani Rio
Ayon kay Rio, ikinakasa pa lamang nila ang selection process at inaasahang sa katapusan ng Mayo ay nasa kamay na nila ang lahat ng requirements ng mga telcos na lalahok dito.
Inilatag ni Rio ang mga pangunahing criteria na hanap nila sa kukuning third party player sa industriya ng telekomunikasyon.
“Pataasan ang financial roll out nila kasi gusto namin na talagang magko-compute sila hindi after a while ay mabibili lang pala sila, it will be more of kung ano yung committed financial investment roll out nila for 5 years at kung ano yung committed na presyo nila sa mga subscriber nila, ilalagay nila yan at may points yan, yung committed speed ng internet, at lawak ng kanilang serbisyo sa Pilipinas.” Pahayag ni Rio
(Ratsada Balita Interview)