Wala pang dahilan para ipatawag si Davao City Vice Mayor Paolo Duterte sa susunod na pagdinig ng Senado kaugnay ng anomalya sa BOC o Bureau of Customs at pagkakalusot ng mahigit 6 bilyong pisong halaga ng shabu sa bansa.
Ito ayon kay Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon matapos na muling madawit ang pangalan ng bise-alkalde sa ika-apat na pagdinig ng Senado sa usapin.
Sinabi ni Gordon na maituturing pa lamang na hearsay ang kaugnayan ni Paolo Duterte sa Davao Group kahit inamin ni Customs broker Mark Taguba na ang koneksyon niya sa grupo ay ang konsehal ng Davao City na si Nilo “Small” Abellera.
Hindi aniya, masasabing malapit si Abellera kay Paolo dahil lamang sa mga larawan kung saan sila ay magkasama.
Gayunman, sinabi ni Gordon na bukas ang Senado sakaling gustuhin ni Paolo na kusang dumalo sa pagdinig para malinis ang kanyang pangalan.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Richard Gordon
“Tita Nanie”
Asawa ng isang military personnel ang tinutukoy na Tita Nanie ng Customs broker na si Mark Taguba na tumanggap ng malaking “tara” mula sa kanya.
Ito ang isiniwalat ni Senate Blue Ribbon Committee Chairman Richard Gordon matapos na ibang tao na may pangalang Nanie Koh ang dumalo sa pagdinig ng Senado kaugnay sa anomalya sa Bureau of Customs.
Ayon kay Gordon, nakatanggap siya ng tip na ang asawang militar ni Tita Nanie ay malapit sa mga opisyal at empleyado ng BOC na mga militar din.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Senator Richard Gordon
By Krista de Dios | Karambola Interview