Umamin ang PNP o Philippine National Police na nahihirapan pa rin silang putulin ang suplay ng iligal na droga sa bansa, isang taon matapos ilunsad ang giyera kontra droga.
Dahil dito, sinabi ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa na hindi nya maipapangako na hindi magiging madugo ang ikalawang taon ng kampanya kontra droga.
Ayon kay Dela Rosa, naka-depende pa rin ito kung manlalaban ang mga drug suspect na kanilang huhulihin.
Iginiit ni Dela Rosa na hindi naman parating madugo ang anti-drug operations ng PNP.
Sa katunayan, umaabot sa labing dalawang libong (12,000) drug personalities ang kanilang naarestong buhay.
“Wala naman sa amin yan eh, hindi naman sa pulis yan made-determine kung bloody o hindi.”
“Nagre-react na naman tayo sa aksyon ng mga involved dyan sa droga.”
“So, wala po kaming kontrol, hindi po namin masabi na hindi bloody.”
Len Aguirre | Story from Jonathan Andal