Nilinaw ni Atty. Larry Gadon, isa sa mga abogado ni dating Pangulong Gloria Arroyo ang report na maaari nang makapagpiyansa ang dating Pangulo.
Ipinaliwanag ni Gadon na ito ay para lamang sa kasong kaugnay sa pandaraya sa eleksyon at ito ay matagal na nilang inaasahan.
“Natural lamang sapagkat yung kasong yun wala naman talagang ebidensiya doon sapagkat yung witness na nagsasabi na merong dayaan nangyari doon sa eleksyon ay double hearsay yung kanyang testimony.” Ani Gadon.
Samantala, sinabi din ni Gadon na maging ang kasong kinakaharap ni Arroyo kaugnay sa paggamit sa pondo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ay dapat na din tapusin, lalo na at wala namang ebidensya hinggil dito.
“Kahit naman itong kaso dito sa PCSO ay wala naman talagang ebidensiya, sinasabi na kung yung mga kasama sa kaso o yung ibang akusado ay pinayagang makapagpiyansa at yung iba ay pinayagan na mai-dismiss yung kaso dahil nai-grant yung kanilang demore, dapat din daw ay si CGMA, dapat ding ibigay ang kanyang demore dahil ang kaso nila ay conspiracy.” Pahayag ni Gadon.
By Katrina Valle | Balitang Todong Lakas