“Wala nang atrasan” ang anti-illegal drugs campaign ng Duterte administration sa kabila ng suspensyon nito.
Ayon kay Pangulong Rodrigo Duterte, hindi maaaring gawing rason ang due process at human rights upang hayaan ang mga drug trafficker at protector na mamamayagpag sa sirain ang kinabukasan ng bansa.
Binalaan din ng Pangulo ang mga drug pusher maging ang kanilang mga protektor na hindi magpapakita ng awa ang gobyerno dahil magpapatuloy ang kampanya kontra droga.
Kung inaakala anya ng mga druglord at pusher na mapoprotektahan sila ng due process at human rights ay nagkakamali ang mga ito dahil sa kasamaang palad ay malabo itong mangyari.
Iginiit ng Punong Ehekutibo na determinado siyang tugisin ang mga drug pusher at mapanatiling ligtas ang bansa laban sa drug problem nang hindi nagdedeklara ng Martial Law.
War on drugs
Samantala, pinabubuhay ni Senator Alan Peter Cayetano kay Pangulong Rodrigo Duterte ang giyera kontra droga ng administrasyon.
Sa ginanap na vigil-rally ng mga pro-Duterte sa Quirino Grandstand, binigyang diin ni Cayetano na mula nang ipag-utos ng Presidente sa Philippine National Police (PNP) na itigil na ang anti-drug operations sa ilalim ng “Oplan Tokhang” ay nagbalikan na sa lansangan ang mga adik at tulak.
Matatandaang inatasan din ni Pangulong Duterte ang PDEA o Philippine Drug Enforcement Agency noong Enero na ipagpatuloy ang kampanya laban sa droga sa tulong ng militar makaraang dukutin at patayin ang Korean businessman na si Jee Ick-Joo.
By Drew Nacino | Jelbert Perdez