Nilinaw ni DOST o Department of Science and Technology Undersecretary at PHIVOLCS o Philippine Institute of Volcanology and Seismology Director Renato Solidum ang napaunang ulat na may nakitang bagong fault line sa bahagi ng Mabini Batangas.
Ayon kay Solidum, matagal na ang nasabing fault pero hindi lamang ito kumikilos ng malaki.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Director Renato Solidum ng PHIVOLCS
Paliwanag pa ni Solidum, tinatawag na earthquake swarm ang nangyayari kaya magkakasunod na nararamdamang lindol sa Batangas.
Batay sa datos ng PHIVOLCS aabot na sa mahigit isang libo (1,000) na ang aftershocks simula ng pagtama ng lindol noong Martes.
PAKINGGAN: Bahagi ng pahayag ni Director Renato Solidum ng PHIVOLCS
Mabini under state of calamity
Isinailalim na sa state of calamity ang bayan ng Mabini sa Batangas dahil sa pagtama ng magkakasunod na lindol nitong Sabado.
Ayon kay Mabini Mayor Noel Luistro, inilagay sa state calamity ng Municipal Council ang nasabing bayan dakong alas-1:00 ng hapon kahapon dahil sa sunod-sunod na nararamdamang aftershock.
Sa ilalim ng state of calamity, maaaring maglabas ng calamity fund ang lokal na gobyerno at ipatutupad ang price freeze para sa mga pangunahing bilihin.
Kasunod nito, hinimok rin ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ang Provincial Council na magdeklara rin ng state of calamity sa buong lalawigan.
Residents
Samantala, mahigit sa tatlong daang (300) mga residente sa Barangay Gamao sa Tingloy Island, Batangas ang napilitang lumikas matapos ang serye ng lindol na tumama sa nasabing lalawigan noong Sabado.
Nanatili pansamantala sa Gamao Elementary School ang mga lumikas na residente dahil sa takot na magkaroon pa ng mga aftershock.
Ayon naman sa Tingloy Police, aabot sa sampung (10) bahay ang nasira at isang tulay ang nagkaroon ng bitak dahil sa lindol.
Gayunman, nanatiling passable ang mga kalsada sa Tingloy at balik normal na ang operasyon ng mga bangkang patungong isla.
By Krista de Dios