Walang banta ng terorismo sa bansa.
Tiniyak ito ni PNP Chief Oscar Albayalde sa kabila ng pagkaka aresto sa isang miyembro ng Abu Sayyaf sa Quezon City.
Sinabi ni Albayalde na mahigpit na ang monitoring ng PNP sa iba pang posibleng hideouts ng mga bandido at inaalam kung may kasamahang nasa Metro Manila ang naarestong ASG member.
Nananatili aniyang nasa heightened alert ang PNP habang ang mga nag bakasyon ay pabalik na ng Metro Manila.
Magugunitang noong nakalipas na linggo ay nadakip sa Culiat, Quezon City ang isang miyembro ng Abu Sayyaf na sangkot sa pagdukot sa 15 empleyado ng Golden Harvest Plantation sa Basilan noong 2001.
Binigyang diin naman ni PNP Spokesman Bernard Banac na posibleng hindi na sila magbababa ng alerto lalo na’t papalapit na rin naman ang eleksyon.
Napakataas parin ng alert status na pinapatupad natin ngayon. Yung seguridad na binibigay natin sa buong bansa ay napaka igting at mahigpit. Hindi pa natin ibinababa ang alert status bago pa man ang Semana Santa at magpa hanggang ngayon at inooberserbahan natin ang mga susunod na araw at inaasahan natin na baka hindi na nga ito ibababa pa dahil naghahanda rin tayo para sa halalan sa Mayo 13 at dahil sa pangyayaring yan sa Sri Lanka ay hindi tayo magpapakampante at ma prevent natin ang ganitong mga insidente.
Terror attack sa Sri Lanka maituturing na ‘wake up call’ ayon sa PNP
Maituturing na wake up call ang naganap na terror attack sa Sri Lanka kung saan nasawi ang mahigit 200 katao.
Ito’y ayon kay PNP o Philippine National Police Chief Oscar Albayalde, kung saan una na nitong kunumpirma na walang banta ng terorismo sa bansa.
Ayon kay Albayalde, bagamat walang banta ng terorismo ay hindi dapat maging kampante ang mga otoridad sa mga ganitong uri ng pangyayari.
Aniya, mas lalo lamang dapat paigtingin ng mga otoridad ang kanilang pagkalap ng impormasyon laban sa mga terorista.
Samantala, sinabi naman ni Albayalde na patuloy silang nakikipag ugnayan sa iba pang law enforcement agencies upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.
Contributor: Ashley Jose