Walang nakikitang banta ang Malakanyang sa pista ng Itim na Nazareno sa Martes, Enero 9.
Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, gagawin ng mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan ang kailangang hakbang upang matiyak ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto.
Ipinunto ni Roque na ito na ang ikalawang traslacion sa ilalim ng administrasyong Duterte at batid na aniya ng mga concerned government agency ang gagawin sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan para sa taunang kapistahan.
Tinatayang limanglibong (5,000) pulis ang ipapakalat para sa nasabing aktibidad bukod sa karagdagang limangdaang (500) sundalo.
Bilang ng mga deboto ng Itim na Nazareno posibleng madagdagan
Posibleng madagdagan ang bilang ng mga deboto sa pista ng Itim na Nazareno ngayong taon.
Ayon kay Superintendent Lucile Faycho ng Manila Police District (MPD), batay sa tala ng Quiapo Church, kabuuang labingwalong milyong (18-M) mga deboto ang lumahok sa taunang traslacion noong isang taon at taon – taon itong tumataas.
Sa pagtaya anya ng simbahan ay limang porsyento ang itinataas ng bilang ng mga deboto kada taon o nangangahulugang maaaring umabot sa mahigit labinsyam na milyon o halos dalawampung milyon ang deboto ngayong taon.
Nagsimula ang nobena para sa feast of the black nazarene noong december 31 at magtatapos sa mismong araw ng kapistahan sa martes, enero a-nwebe kasabay ng traslacion.