Nakatakdang itaas ng Philippine National Police (PNP) ang full alert status sa buong bansa simula bukas, Oktubre 28 kasabay ng paghahanda ng sambayanang Pilipino para sa tradisyunal na Undas.
Ayon kay PNP Spokesman P/BGen. Bernard Banac, itataas pa rin nila ang alerto bilang bahagi ng seguridad bagama’t wala naman silang natatanggap na impormasyon hinggil sa anumang banta sa seguridad.
Una nang sinabi ni Banac na aabot sa 35,000 mga pulis at nasa mahigit 100,000 force multipliers tulad ng mga barangay tanod, bantay bayan, medical, fire at rescue volunteers ang ipakakalat saan mang panig ng bansa upang tiyaking ligtas ang okasyon.
May ilalatag ding police assistance desk at may mga road marshalls ding naka-antabay naman sa mga pangunahing kalsada upang umalalay sa mga biyahero’t motorista na tutulak patungo sa mga sementeryo at lalawigan.
Paki-usap ng PNP sa publiko, iwasan hangga’t maaari ang magdala ng mamahaling kagamitan, tiyaking nakasara ang mga kabahayan at huwag mag-iwan ng mga appliances na nakasaksak upang maka-iwas sa anumang sakuna.