Nilinaw ng Palasyo na hindi ito nag-isyu ng karagdagang mga lugar o bansang kabilang sa ban papunta ng Pilipinas sa gitna ng banta ng bagong strain ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) maliban sa United Kingdom (UK).
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang pinalawak na sakop ng mga lugar na kabilang sa travel ban ay isa lamang rekomendasyon ng kagawaran ng kalusugan at ng Inter-Agency Task Force (IATF).
Dahil dito, ani Roque, maghintay na lang sa alituntunin o guidelines na posibleng ilabas ng Office of the President anumang sandali ngayon.
Nauna rito, nagpost ang Manila International Airport Authority (MIAA) hinggil sa tala ng mga karagdagang bansa na kabilang sa pinalawak na travel ban gaya ng: Denmark, Italy, Spain, Korea, at Australia.
Pero matapos ang ilang oras, ay kaagad na tinake-down o binura ng miaa ang kanilang post hinggil sa travel ban.
Sa huli, iginiit ni Roque na gaya ng sabi ni Pangulong Rodrigo Duterte ang lahat ng mga Pilipinong gustong makauwi ng bansa ay dapat makauwi.