Kinontra ng militar ang naunang pahayag ng Philippine National Police o PNP na humihingi ng limang (5) milyong pisong ransom ang grupong Abu Sayyaf para sa dinukot nilang dalawang babaeng pulis sa Patikul, Sulu.
Batay sa nakuha nilang impormasyon, sinabi ni Joint Task Force Sulu Commander Brigadier General Cirilito Sobejana, para sa dalawang sibilyan na kasabay na dinukot kasama ang mga pulis ang hinihinging ransom ng armadong grupo na nagkakahalaga ng tatlongdaang libong piso (P300,000).
Gayunman, nanindigan si Sobejana na hindi sila magbabayad ng ransom dahil taliwas ito sa polisya ng pamahalaan.
“Itong mga Abu Sayyaf ay nangingidnap for money, base ‘yan sa mga revelation ng mga nag-surrender sa amin, ibang na-rescue at na-release, tuwing may operations ang military at nasa malapit sila ay sila’y umiiwas dahil ang sabi nila ang kanilang hinahanap ay pera hindi giyera, so kung puputulin natin itong pagbibigay ng ransom money, I think ang kidnapping activities dito sa Sulu ay mawawala.” Ani Sobejana
Sa ngayon, ayon kay Sobejana, nakikipagtulungan na sila sa “local chief executives” ng Sulu para mapalaya sa lalong madaling panahon ang mga dinukot na indibiduwal ng Abu Sayyaf.
Batay aniya sa kanilang tala, aabot na sa labing apat (14) ang hawak na bihag ng armadong grupo kung saan karamihan dito ay mga Pilipino.
“Medyo ang pinakamatagal 2012 pa, isang Dutch national, ‘yung tatlo naman ay Indonesian national at ‘yung isa Vietnamese, the rest are Filipinos, ang sinundan nitong apat na kidnap victim ay ‘yung engineer ng DPWH District 1 at kasama na rin doon ang anak ng Mayor na dinukot doon sa Zamboanga Sibugay.” Pahayag ni Sobejana
(Ratsada Balita Interview)