Walang lugar na kailangang isailalim sa lockdown dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Pasig City.
Ito, ayon kay Pasig City Mayor Vico Sotto, ay batay na rin sa rekomendasyon ng city health department at Epidemiology & Disease Surveillance Unit sa lungsod.
Nakita natin sa buong NCR, tumataas ang bilang, pero sa ngayon, ang recommendation ng city health department at CESU ay wala pong area na kailangang ilockdown,” ani Sotto.
Bagaman aniya may bahagyang pagtaas sa kaso ng COVID-19 ay kontrolado ito dahil nadadala naman aniya ang mga pasyente sa centralized quarantine facility kaya’t patuloy na namo-monitor.
Batay din aniya sa kanilang surveillance, nagiging malaking ambag sa pagdami ng kaso ng virus sa lungsod ay ang pagkahawa ng isang tao mula sa kanilang workplace kung saan, malaki ang tiyansa na maiuwi nila ang virus sa kanilang mga tahanan.
Ang tingin kong mas nagiging problema po natin, ‘yung sa trabaho kasi nakukuha [ang virus], base sa surveillance natin, tapos pa- uwi nila mahahawaan nila ang mga magulang nila, anak, kapatid nila,” ani Sotto.
Dagdag pa ng alkalde, bagaman nahihirapan, ay kaya at ginagawa nila ang lahat upang mapababa ang bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.
We are doing everything we can to increase the capacity still. Kaya pa naman, of course nahihirapan po,” ani Sotto. —sa panayam ng Serbisyong Lubos sa 882