Walang lalabaging International Treaty ang Pilipinas sakaling ibalik ang parusang kamatayan.
Ito, ayon kay Senate Majority Floor Leader Vicente “tito” Sotto III, ito ay dahil hindi naman maaaring diktahan ng kahit anong international law gaya ng International Covenant on Civil and Political Rights ang saligang batas ng bansa.
Hindi naman anya niratipikahan ang naturang kasunduan kaya’t maituturing itong walang silbi.
Samantala, duda naman si Sotto kung magkakaroon din ng rigodon sa Senado gaya sa Kamara kung saan sisibakin ang mga house leader na tutol sa panukalang ibalik ang parusang kamatayan.
Ipinaliwanag ng Senador na mananaig pa rin ang desisyon ng mayorya sa issue ng sibakan sa mababang kapulungan ng kongreso.
Mga nagsasabing anti-poor ang death penalty sinupalpal
Sinupalpal ni Senate Majority Floor Leader Tito Sotto III ang mga nagsasabing “anti-poor” ang death penalty partikular sa issue ng illegal drugs.
Ayon kay Sotto, target lamang sa death penalty bill ang mga big-time druglord na nag-o-operate sa bansa lalo ang mga nasa loob ng kulungan tulad ng New Bilibid Prison.
Dapat anyang ibalik na ang parusang kamatayan para sa mga may kasong drug trafficking dahil nagbago na ang estado ng Pilipinas sa kalakaran ng iligal na droga.
Ipinunto naman ni Sotto na mahalagang ibalik ang death penalty sa Pilipinas upang maiwasan ang pagkalat ng illegal drugs at matakot ang mga dayuhan na magtayo ng mga shabu factory sa bansa.
By: Drew Nacino / Cely Bueno