Pinabulaanan ni Au Quilala, Convenor ng Child Rights Network, ang paniniwala sa Senate Bill 1979 na nagtuturo sa mga bata tungkol sa masturbation.
Ayon kay Quilala, suportado nila ang SB 1979 o ang adolescent pregnancy prevention bill buhat pa nang una itong inihain noong 2017.
Hindi rin aniya totoo na pahihinain ng panukala ang parental authority sa mga bata.
Matatandaang pitong senador ang nag-withdraw ng kanilang pirma para sa nasabing panukala kasunod ng negatibong reaksiyon mula sa mga religious group at ilan pang grupo.
Sa gitna ng mga alalahanin na ito, sinabi ni Senator Risa Hontiveros, ang principal author ng panukalang batas, na walang ganoong mga probisyon sa iminungkahing panukala.
Ang panukalang batas aniya ay hindi nagmula sa “Standards of Sexuality Education in Europe” ngunit isinangguni mula sa responsible parenthood and reproductive health law.
Kasunod nito, naghain si Hontiveros ng substitute bill para sa SB 1979, kung saan nililimitahan ang mandatoryong Comprehensive Sexuality Education sa mga adolescent na may edad 10 taong gulang pataas. – Sa panulat ni Jeraline Doinog