Nilinaw ng DFA o Department of Foreign Affairs na walang nangyaring pambubully o pagbabanta ang China laban sa Pilipinas.
Ito’y makaraang aminin mismo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang umano’y banta sa kaniya ni Chinese President Xi Jin Ping nang igiit nito ang karapatan ng Pilipinas sa pinag-aagawang teritoryo sa West Philippine Sea.
Ayon kay Philippine Ambassador to Beijing Chito Sta. Romana, kapwa hangad ng Pilipinas at China ang mapayapang pagresolba sa nasabing usapin.
Bagama’t prangka aniya ang naging pag-uusap nila Pangulong Duterte at President xi, maituturing naman itong maganda at produktibo sa huli.
Sa panig naman ni Foreign Affairs Secretary Allan Peter Cayetano, walang nagdidikta kina Pangulong Duterte at Chinese President Xi hinggil sa kung ano ang kahihinatnan ng agawan sa teritoryo sa naturang karagatan.
By: Jaymark Dagala