Nilinaw ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na walang outbreak ng sakit sa mga tilapia at hipon.
Sa ipinalabas na pahayag ng BFAR, kanila ring itinanggi na virus ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda sa Taal Lake at Laguna De Bay.
Ayon sa BFAR, mababang lebel ng dissolved oxygen sa tubig bunsod ng biglaang pagbabago sa klima ang dahilan ng pagkamatay ng mga isda.
Dagdag ng ahensiya, mahigpit din nilang mino-monitor ang pagbiyahe ng mga tilapia at hipon simula pa noong 2015 para mapigilan ang pagkalat ng mga sakit nito tulad ng white spot syndrome virus, acute hepatonpacreatic necrosis disease/ early mortality syndrom at tilapia lake virus.
Samantala, binigyang diin naman ng BFAR na hindi na kinakailangan pa ng health certificate ng pagbiyahe ng mga tilapia at hipon sa mga palengke dahil walang banta sa kalusugan ng tao ang mga nabanggit na sakit.