Iginiit ni Sen. Imee Marcos na walang pangangailangan na ibaba ang taripa sa importasyon ng bigas dahil wala naman aniyang shortage nito sa bansa.
Ito’y matapos kwestyunin ang biglaang pagpapababa ng Malacañang sa taripa sa importasyon ng bigas.
Ayon kay Marcos, chair ng senate committee on economic affairs, matatag ang presyo ng bigas sa P27 hanggang P32 kada kilo.
Dagdag pa ng senadora, mismong economic managers at tariff commission ang nagsabi na hindi ito kailangan dahil hindi kasama ang bigas sa nagpapataas ng presyo ng iba pang bilihin, sa halip ay ang mataas na presyo ng pork, isda at ilang gulay.
Dahil dito, nais malaman ni Marcos kung totoo ang napapabalitang may malakas sa administrasyon na nag-lobby para makapagpasok ng bigas mula sa India.
Nakakabahala aniya ito dahil baka may kasama pa itong coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Magugunitang inisyu ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Executive Order Number 135 nagpababa ng taripa ng bigas sa 35% mula sa 40% sa loob ng isang taon kapag nag-angkat sa most favored nations tulad ng India, Pakistan at China. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)