Walang Pilipinong nadamay sa airstrike sa isang migrant detention center sa Tripoli, Libya.
Ipinabatid ito ni Elmer Cato, chargé d’affaires ng Philippine Embassy sa Tripoli.
Gayunman, hinimok ng DFA ang mga Pilipino sa Tripoli na paigtingin ang pagiging alerto at pag-iingat kasunod ng airstrike.
Pinaalalahanan din ng embahada ang mga Pinoy na nakatira o nagtatrabaho malapit sa military facilities na mag-ingat at kung maaari ay lumipat sa ibang lugar sa gitna ng anunsyo ng Libyan National Army na magsasagawa sila ng marami pang airstrikes laban sa mga target ng militar sa Tripoli.
Ayon sa DFA, nasa 1,000 Pinoy sa Tripoli at kalapit na mga lugar sa Libya, karamihan sa mga ito ay nurse at hospital workers.
Nag-aalala naman ang embahada sa kaligtasan ng mahigit 40 Pinoy nurses at engineers na piniling manatili sa lugar kung saan may kaguluhan.