(Ulat ni Raoul Esperas)
Kinumpirma ng Department of Foreign Affiars o DFA na walang Pilipinong nadamay sa pinakabagong insidente ng di umano’y terorismo sa Manhattan.
Nakipag-ugnayan na rin ang DFA sa mga Pinoy na naninirahan o nagtatrabaho sa lugar kung saan naganap ang insidente at tiniyak na ligtas naman ang lagay ng mga ito.
Ayon kay DFA Secretary Alan Peter Cayetano ay patuloy naman silang naka-monitor sa sitwasyon doon.
Una nang idineklarang terorismo ang pag-araro ng isang truck sa daanan ng bisikleta malapit sa World Trade Center sa New York City.
Maliban sa sulat kung saan ginawa di umano ito ng suspek sa pangalan ng ISIS, sumisigaw rin di umano ng Allahu Akbar ang suspek na ang ibig sabihin ay ‘God is Greatest’ na karaniwang ginagawa ng mga terorista kapag umaatake.
—-