Walang problema sa ginagawang COVID-19 test ng pamahalaan.
Ito ang binigyang-diin ni testing Czar Sec. Vince Dizon, matapos manatili pa rin sa 60,000 hanggang 70,000 ang average ng kanilang mga isinasagawang testing.
Giit ni Dizon, hindi ito bumababa, dahil kung pagbabasehan ang sinabi ng Department of Health (DOH), risk-based ang ginagamit nilang pamamaraan sa pagsasagawa ng mga testing.
Kung saan nangangahulugan aniya ito na iyung mga may mataas na exposure sa COVID-19 positive, ang kanilang isinasalang dito.
Gaya na lamang ani Dizon ng mga close contacts, may mga sintomas, at mga naninirahan sa lugar na may maraming kaso ng COVID-19.
Pero sa kabila ani Dizon ng pagbaba ng naitatalang virus cases, hindi pa rin maaring magpaka-kampante bagkus dapat pa ring panatilihin ang mariing pagsunod sa mga health protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.—mula sa ulat ni Jopel Pelenio (Patrol 17)