Nanindigan ang grupong Malayang Konsyumer (MK) na walang problema sa suplay ng pagkain sa bansa, bagkus ang nakikita nilang nagpapahirap sa mga pamilyang Pilipino ay ang kartel, hoarders at profiteers.
Ito’y ayon kay Atty. Simoun Salinas, tagapagsalita ng MK, ang mga pumipigil at nagmamanipula ng presyo sa mga inaaning produktong pang-agrikultura sa merkado.
Nanawagan din si Salinas sa senado na agaran nang ipasa ang Senate Bill 1688 na inihain ni senador JV Ejercito, na layuning amyendahan ang R.A. 10845 o “Anti-Agricultural Smuggling Act of 2016”.
Sa ilalim nito, ang mga nasa likod ng hoarding, profiteering, kartel at iba pang pang-aabuso sa merkado ng agri-products ay ituturing din bilang isang uri ng economic sabotage, na papatawan ng mas mabigat na parusa.
Gayunman, binatikos ng grupo at iginiit ang pagbasura sa bersiyon ni Senator Lito Lapid na pagbabago sa R.A. 10845.
Sa Senate Bill 1812 ni Senador Lapid, nais nitong isama ang tobacco at cigarette products sa hanay ng mga produktong agrikultura na mahigpit na babantayan sa ilalim ng nasabing batas.
Samantala, binigyang-diin ng malayang konsyumer na bagaman smuggling ng mga pangunahing pagkain ang malaking problema, hindi umano ito ang tanging suliraning dapat pagtuunan ng pansin.