Pinasinungalingan ng Department of Health (DOH) – Region 7 na nakararanas na ng second wave ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) ang Cebu City.
Ayon sa tagapagsalita ng DOH-Region 7 na si Dr. Mary Jean Loreche, sa ngayon ay hindi pa nito itinuturing na nasa second wave na ang lunsod sa kabila ng pagsipa ng kaso ng virus dito.
Paliwanag pa ni Dr. Loreche, papaanong magkakaroon ng second wave sa lungsod, hindi pa nga anito umaabot sa 25% ang okupadong bed allocation sa mga ospital sa lungsod.
Nauna rito, inihayag ng OCTA Research Group na kabilang ang Cebu City sa ‘serious concern’ dahil sa pagtaas ng kaso ng virus sa kanilang lugar.
Sa kabila nito, ani Dr. Loreche, kanyang nirerespeto ang pag-aaral o pagtataya ng naturang research group.