Asahan pa ang patuloy na pagtaas ng presyo ng tinapay dahil sa hindi maawat na pagmahal ng harina sa gitna ng lumulobong presyo ng wheat o trigo sa international market.
Ito ang ibinabala ng Philippine Association of Flour Millers (PAFMIL) kahit nananatiling sapat ang supply ng harina ngayong taon.
Ayon kay Ric Pinca, Executive Director ng PAFMIL, giyera sa pagitan ng Ukraine at Russia, export ban ng India at tagtuyot sa U.S. ang naging ugat upang tumaas ang presyo ng trigo mula sa mga naturang bansa na pangunahing wheat exporter.
Nahaharap na anya ang mundo sa “food crisis” at kahit napakaraming wheat supply, mahigit kalahati naman nito ang hindi pa na-e-export.
Tatlumpung porsyento ng wheat supply sa mundo ay mula ukraine at russia pero dahil sa digmaan, 20 million metric tons ng trigo ang hinarang sa Odessa port, Ukraine.
Sa pagtaya ng PAFMIL, sumirit na sa 500 dollars per metric ton ang global price ng trigo mula sa 300 dollars per metric ton noong Disyembre.