Isang pag-respeto umano sa pribadong oras ninoman maging ng mga drug suspect ang pagtatakda ng limitasyon sa mga isasagawang operasyon sa pagbabalik ng ‘Oplan Tokhang’.
Ito ay ayon kay Philippine National Police (PNP) Directorate for operations Head Director Camilo Pancratius Cascolan kasunod ng nilagdaang bagong guidelines ni PNP Chief Director General Ronald Dela Rosa.
Batay sa bagong guidelines, walang operasyon ng Oplan Tokhang tuwing gabi at sa mga araw ng Sabado at Linggo.
Isasagawa ng mga pulis ang operasyon tuwing Lunes hanggang Biyernes lamang ng 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Dito magbabahay-bahay ang mga pulis para makausap ang mga target na drug suspects.
Paliwanag ni Camilo, maituturing na hindi pag-respeto sa pribadong oras ng sinuman kung sila ay magsasagawa ng pagbabahay-bahay sa gabi at weekends.
Bukod aniya dito, mahigpit ding ipinag-uutos ang pagsusuot ng uniporme ng mga pulis na magsasagawa ng operasyon.
Nilinaw din ng PNP na hindi sapilitan at dapat boluntaryo ang pagkuha ng mug shot at fingerprint sa mga susuko sa Tokhang.