Walk-in sa mga vaccination sites ng mga batang edad 5 hanggang 11 na may comorbidity, bawal muna sa Pasay
Bawal muna ang walk-in sa mga batang edad 5 hanggang 11 na may comorbidity sa mga vaccination sites sa pamahalaang lokal ng lungsod ng Pasay.
Ayon kay Pasay City Mayor Emi Calixto-Rubiano, tanging sa Pasay City General Hospital (PCGH) pa lamang pwedeng bakunahan kontra COVID-19 ang mga batang may iba pang sakit.
Pero kailangan munang iparehistro ng mga magulang ang kanilang mga anak para sa schedule ng kanilang pagbabakuna sa pamamagitan ng pagte-text ng pangalan, edad, tirahan, at sakit ng batang babakunahan sa numerong 0956-283-4495.
Paalala pa ng alkalde, huwag kalimutang dalhin ang medical certificate ng bata na pirmado ng doktor, birth certificate at valid I.D ng mga magulang.
Samantala, para naman sa mga batang walang comorbidity, kinakailangang iparehistro sila ng kanilang magulang sa DepEd registration para sa batang nag-aaral sa pampubulikong paaralan.
Habang ang mga nasa pampribadong paaralan, estudyanteng sa labas ng lungsod nag-aaral at out-of-school youths ay maaaring magaparehistro sa kani-kanilang barangay. —sa panulat ni Abie Aliño-Angeles